Babala sa pagbili ng bagay sa social media sites
Huwag basta bastang bumili ng mga bagay bagay sa mga hindi kakilala, lalo na sa pa-chat-chat lang at hindi akreditadong social media sites!
Para sa ating sariling kapakanan, maging maingat sa pagbili ng mga gamit mula sa mga pribadong indibidwal, lalo na sa hindi kakilala, pa-chat-chat lang, at mga hindi akreditadong social media sites, na nag-aalok o nagbebenta ng mga kagamitan.
Ito ay upang makasiguro na ligtas tayo sa hindi kaaya-ayang kahihinatnan ng pagbili ng mga kagamitan na galing sa nakaw. Ang pagtanggap ng mga ninakaw, kahit pa na wala tayong kamalay-malay sa pinaggalingan ng mga ito, ay labag sa batas ng bansang New Zealand.
Ang sinumang mahulihan na nagmamayari ng mga nakaw ay maaresto, kakasuhan, at maaring makulong ng dahil sa pagtanggap ng nakaw at sa pakikiugnay sa mga kriminal o mga masasamang elemento. Malaki rin ang posibilidad ng immigration blacklisting at deportation. Ang kamangmangan ay hindi maaaring gawing dahilan sa harap ng batas.
Masusi na daw pong minamanmanan ng mga kapulisan ang ganitong uri ng aktibidad, pati na ang ating komunidad. Tumulong tayo sa pagpigil ng paglaganap at paggapi ng mga ganitong maling gawain.